Jessica at Phillip magkaibigan kahit magkaribal
Kahit magkaribal, hindi naapektuhan ang pagkakaibigan ng top two sa American Idol na sina Jessica Sanchez at Phillip Phillips.
Kaninang umaga, masigla pang nag-tweet ang dalawa tungkol sa kanilang rehearsals.
Kuwento ni Jessica, kumakanta pa raw sila papunta sa stage para mag-rehearse.
Hindi naman iniinda ni Phillip ang sakit sa kidney na sa umpisa pa lang ng “Idol” ay kanyang nang dinadala.
Sa nakaraang panayam, kinanta pa nito ang kanya raw personal na theme song na “Staying Alive.”
Sa Twitter, inanunsyo ng batikang singer na si Jennifer Holliday na magdu-duet sila ni Jessica sa finale.
Hinuhulaang ang kantang pinasikat ni Jennifer, ang "And I Am Telling You" na kinanta rin ni Jessica ngayong season, ang kanilang aawitin.
Samantala, puspusan naman ng paghahanda ng fans ni Jessica para sa kani-kanilang viewing at voting parties.
"She's the best singer left on ‘American Idol.’ My wife makes me watch it all the the time. She got voted off but she was saved. Why? Because she's worthy of being saved," sabi ni Josh Mee, tagahanga ni Jessica.
Pero sa popular na online betting website na americanidolbettingodds.com at maging sa Las Vegas betting odds, underdog si Jessica at si Phillip ang nakakalamang.
Pero ayon naman sa "Idology," ang popular na “American Idol” web column sa TVLine.com, si Jessica ang mananalo.
Inaasahan ng marami na magkakaroon ng "Jessica effect" sa susunod na season ng “American Idol.”
"I auditioned two years ago and I forgot my words because I was really nervous but I'm gonna try out again," sabi ni Kyle Serrano, tagahanga ni Jessica.
Hindi pa man nakokoronahan ang season 11 winner, mayroon ng schedule ng audition para sa season 12 ng “American Idol.”
Mag-uumpisa ang audition ngayong Hunyo rito sa Los Angeles. Yong Chavez, Patrol ng Pilipino, Los Angeles, California
05/22/2012 10:49 PM









